naglakad ako kanina at naglibot sa paligid ng tinutuluyan ko. nalungkot ako masyado sa nangyari sakin. dinaan ko na lang sa paglibot mag-isa. nung pauwi na'ko, natapat ako sa isang malaking pamilihan sa tapat ng aking tinutuluyan, sa isang upuan sa gilid ng kalsada na may nakaupong tatlong lalakeng naguusap. parang naghihintay ng masasakyan pauwi. nagulat ako nung narinig ko silang nagtatagalog. mga pinoy! lumukso ang puso ko at natuwa! gusto ko sana makipagchikahan pero nakakahiyang biglang sumingit atsaka baka magulat sila na may isang babaeng mukhang intsik/koreana/haponesa/malay na biglang nagtagalog at gustong makipagbalitaktakan sa kanila. tumayo na lang ako sa may tabi nila (buti na lang tawiran din dun) at nakinig.
chismosa. hindi naman. di ko nga nakuha yung pinaguusapan eh. gusto ko lang marinig yung mga nagtatagalog.
atsaka ko naisip, kung ako na sandali pa lamang na nasa ibang bansa at di sinasadyang nalungkot ay natuwa na nung makarinig ng mga pinoy sa paligid ko, ano pa kaya yung mga nakikipagsapalaran sa ibang bansa (tulad nung tatlong mama) na nalulungkot at hindi makauwi sa mga minamahal nila sa 'pinas. anong tuwa na lang siguro nila sa saglit na may marinig at makausap na nagtatagalog.
ito ang dahilan kung bakit sila naghahanap ng mga makakasama sa dayuhang bansa. ito din ang dahilan kung bakit kahit may naiwang pinakamamahal sa sariling bansa ay naghahanap sila ng 'kasambuhay' sa bansang pinagsapalaran.
lungkot.
naintindihan ko na.
No comments:
Post a Comment